₱10 MILYONG PONDO MULA KAY PBBM, INILAAN PARA SA MEDICAL ASSISTANCE SA ELJ MEMORIAL HOSPITAL
Sa ikalimang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija, inaprubahan ng kapulungan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na bigyan siya ng awtoridad na lumagda, sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan, sa deed of donation mula sa Office of the President.
Ang naturang kasunduan ay tumutukoy sa ₱10 milyong grant mula sa President’s Socio-Civic Projects Fund na ilalaan para sa pagbibigay ng medical assistance sa mga indigent patients o MAIP sa ELJ Memorial Hospital.
Gagamitin ang pondo para sa pagbili ng prescription medicines, medical supplies, diagnostic tests, at iba pang serbisyong medikal ng ospital.
Ayon kay Crisanta Torres, Opisyal Pampangasiwaan ng ELJMH at naging resource speaker sa sesyon, ang ₱10 milyong tulong ay bunga ng kahilingan mismo ni Gov. Umali upang madagdagan ang medikal na tulong para sa mga kababayang nangangailangan sa ospital.
Matapos ang deliberasyon, agad na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang naturang resolusyon.

