Sinira ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱25.84 milyong halaga ng marijuana matapos magsagawa ng anti-drug eradication operations sa Brgy. Licungan, Sugpon, Ilocos Sur noong Marso 8, 2026.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Mula 8:00 AM hanggang 2:40 PM, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Sugpon Municipal Police Station (MPS), Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU), Ilocos Sur Provincial Mobile Force Companies (PMFC), Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB-1), Special Operations Unit 1 ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Ilocos Sur Police Provincial Office (IS PPO), at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office I (PDEA RO1).
Sa operasyon, natuklasan ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 97,550 fully-grown marijuana plants at isang kilo ng dried marijuana stalks na may fruiting tops. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng ₱19.63 milyon.
marijuana eradication, Sinunog ng PNP sa Ilocos Sur
Agad na sinunog onsite ng mga operatiba ang mga marijuana plants upang maiwasan ang muling paggamit o pagbebenta ng mga ito.
Samantala, nagsagawa rin ng follow-up operations mula 1:55 PM hanggang 7:30 PM ang Special Operations Unit 1 ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG), katuwang ang iba pang provincial at regional units.
Sa nasabing operasyon, nasira ang 30,850 uprooted fully-grown marijuana plants at 1,000 marijuana seedlings na may kabuuang halagang ₱6.21 milyon.
Ngunit walang naarestong suspek ang mga awtoridad sa isinagawang eradication operations.
Pero patuloy naman umano ang kanilang investigation at monitoring operations upang matukoy ang mga posibleng responsable sa ilegal na taniman ng marijuana sa lugar.

