1 YUNIT NG PATIENT TRANSPORT VEHICLE, DONASYON NG PCSO SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Magkakaloob ng isang yunit ng Patient Transport Vehicle sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program ng naturang opisina.

Ito ay matapos na pukpukan sa 20th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Acting Governor Emmanuel Antonio Umali na tanggapin at pirmahan ang deed of donation para dito.

Ayon kay Maximo Angelo Picio, Economist II ng Provincial Planning and Development Office, isa sa mga pre-requisite documents ng PCSO para sa pre-evaluation sa pagbibigay ng mga Patient Transport Vehicle sa kanilang mga napiling LGUs ang pagpapasa ng resolusyon mula sa Sangguniang Panlalawigan.

Sinabi naman ni 4th District Board Member Teresita Patiag na ang naturang PTV ay para mismo sa Provincial Government at maaaring gamitin ng mga pasyenteng walang malubhang kalagayan pangluwas o pangbyahe sa mga pagamutan.

Hinikayat din ni Bokala Patiag ang mga District Hospitals sa lalawigan na gumawa ng request sa PCSO upang mapagkalooban din ng ganitong uri ng sasakyang pangtransportasyon para sa kanilang mga pasyente.

Ito naman ang pangalawang pagkakataon na nagbigay ng Patient Transport Vehicle ang PCSO sa probinsya ngayong taon kung saan ang una ay naibigay noong Marso na naipagkaloob naman sa isa sa mga pagamutan sa lalawigan.