Nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga Overseas Filipino Workers sa Taiwan matapos na maranasan ang pinakamalakas na lindol sa bansa sa loob ng 25 taon. Maging ang publiko, naramdaman din ay nerbiyos dahil sa sunud-sunod na lindol na nangyayari sa mga kalapit na bansa.
Umabot na sa tatlong Pilipino ang kabilang sa mahigit 1,000 nasugatan kaugnay ng magnitude 7.2 na lindol noong Miyerkules sa Taiwan, bagay din na pumatay sa sampung katao.
Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office chairperson Silvestre Bello III na tumatayong representative office ng Pilipinas sa Taiwan, walang Pinoy ang nasawi sa insidente.
Kabilang sa mga Pinoy na na-injured ay si Reyna Sylvia na sinabing namamaga ang kamay dahil sa pagkakaipit sa gitna ng lindol habang si Arnold Gonzales ay tinamaan ang ulo nang mabagsakan ng kanilang kisame.
Ang ikatlong OFW na hinimatay noong lindol ay si Christine Gumahin. Inatake siya ng mild stroke sa tindi ng nerbiyos at takot na matrap sa pinapasukang pabrika.
Tiniyak ni Department of Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang lahat ng mga naturang Pinoy ay nasa maayos nang kalagayan sa ngayon.
Lahat ng tatlong biktimang OFW ay makatatanggap ng Action Fund Assistance na nagkakahalaga ng P30,000. Handa rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng tulong ang gobyerno ng Pilipinas sa mga manggagagwang Pilipino sa Taiwan.
Samantala, niyanig din ng magnitude 6.0 na lindol ang northeastern part ng Japan kahapon.
Base sa Japan Meteorological Agency, ang episentro ng lindol ay sa Fukushima region na may lalim na 40 kilometers na naramdaman din sa Tokyo.
Sa ngayon, wala pang napaulat na pinsala sa mga istruktura o mga nasugatan matapos ang tumamang lindol.

