10 TAONG KWENTO NG PAGBABAGO NG ISANG ANCESTRAL HOUSE SA CABANATUAN CITY, SINILIP SA PAMAMAGITAN NG GOOGLE MAP TIMELINE
Tampok sa isang vlog ang ancestral house na matatagpuan sa Del Pilar Street, Cabanatuan City, na ayon sa vlogger na si Kuya Gee, ay dati niyang nadadaanan at ngayon ay ibinebenta na.
Sa kanyang video, ibinahagi ni Kuya Gee ang mga pagbabago sa loob ng 10 taon sa pamamagitan ng Google Maps Timeline at mga larawang kuha sa paglipas ng panahon.
Taong 2015, makikitang may nakaparadang tricycle sa labas ng gate, palatandaan na may nakatira pa sa bahay, noon ay maayos pa rin ang estruktura at ang paligid.
Pagsapit ng 2019, lumitaw na sa gate ang karatulang “Private Property, No Trespassing”.
Noong 2021, tila abandonado na ang bahay, tahimik at walang senyales ng paninirahan.
Sa 2022, tinubuan na ng mga damo ang bakuran.
Ngunit noong 2023, muling naging malinis ang paligid ng bahay, kaya’t hinala ni Kuya Gee ay maaaring may pansamantalang nanirahan muli rito.
Taong 2024, napansin na may karatula nang “Lot for Sale” na nakapaskil sa harap ng bahay. Nakasaad dito na ang lupa ay may sukat na 956 square meters.
Sa kasalukuyan, ngayong 2025, muling tinubuan ng damo ang paligid ng bahay at nananatiling nakapaskil ang Lot for Sale signage.
Bagama’t wala pang tiyak na impormasyon kung sino ang may-ari ng bahay, marami sa mga viewers ni Kuya Gee ang nagpahayag ng interes sa kasaysayan nito.
Para sa ilan, ang mga lumang bahay tulad nito ay may malalim na koneksyon sa kultura at kasaysayan ng lungsod.

