12 IMPORTERS, TRADER NA SANGKOT UMANO SA CARTEL NG SIBUYAS, SINAMPAHAN NA NG KASO NG PCC

Sinampahan na ng kaso ng Philippine Competition Commission ang 12 onion importers at traders na sangkot umano sa cartel na posibleng naging dahilan umano ng pagtaas ng presyo ng sibuyas sa bansa noong December 2022 hanggang unang bahagi ng 2023.

Sinabi ng mga kinatawan ng PCC Enforcement office na kinasuhan ang mga ito dahil sa paglabag sa Philippine Competition Act partikular na sa Market Allocation and Anti-Competitive Exchange of Business Information.

Ayon sa PCC, nagsimulang pumasok ang traders sa anti-competitive agreements para sa supply ng imported onions noong 2019.

Nakipagsabwatan umano ang mga ito para makontrol ang presyo at limitahan ang kompetisyon na lubhang nakakasama sa mga konsyumer at higit sa lahat sa ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa anim na kompanyang kinasuhan ay ang Philippine Vieva Group of Companies Inc., Tian Long Corp., La Reina Fresh Vegetables and Young Indoor Plants Inc., Yom Trading Corporation, Vieva Phils Inc., at Golden Shine International Freight Forwarders Corp.

Habang ang 6 na indibidwal naman na sinampahan ng reklamo ay sina Lilia Cruz na tinaguriang sibuyas queen, Mark Castro Ocampo, Nancy Callanta Rosal, Eric Pabilona, Renato Francisco Jr. at Letty Baculando.

Matatandaan na noong Enero ng nakalipas na taon, sumipa ang presyo ng pulang sibuyas sa merkado ng napakataas na pumalo sa P700 kada kilo dahil sa kakulangan sa suplay.

Samantala, pinuri ni House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga ang Enforcement Office ng PCC matapos maghain ng kaso at pagmultahin ng P2.42-billion ang 12 indibidwal na sangkot sa onion cartel mula 2019 hanggang 2023. Aniya, isa itong mahalagang hakbang upang mapanagot ang mga nagsasamantala sa mga mamimili at magsasaka.