12 PATAY, 2.7 MILYON KATAO, APEKTADO SA PANANALASA NG 3 BAGYO AT HABAGAT — NDRRMC

Labindalawang katao ang nasawi habang higit 2.7 milyong katao ang naapektuhan ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante, Emong, at ng pinaigting na habagat, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Batay sa datos ng ahensya, tatlo sa mga nasawi ay mula sa CALABARZON, tatlo sa Northern Mindanao, dalawa sa Western Visayas, at tig-iisa sa MIMAROPA, Davao Region, Caraga, at National Capital Region. Karamihan sa mga biktima ay nasawi matapos tamaan ng mga nabuwal na punongkahoy.

Bukod sa mga nasawi, walo ang naiulat na nawawala, habang walo rin ang nasugatan sa kasagsagan ng pananalasa ng masamang panahon.

Tinatayang 2.73 milyong katao o halos 766,000 pamilya mula sa iba’t ibang rehiyon maliban sa Eastern Visayas ang naapektuhan. Mahigit 245,000 katao ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan, habang 2,431 bahay ang nasira.

Samantala, umabot sa P3.23 milyon ang pinsala sa mga ari-arian at P3.77 milyon sa mga imprastruktura. Pinakamalaking pinsala ang naitala sa sektor ng agrikultura na umabot sa P648 milyon, bukod pa sa P5.5 milyon na pagkalugi sa mga hayop, manok, at palaisdaan.

Dahil sa matinding epekto ng kalamidad, 40 lungsod at bayan ang isinailalim sa State of Calamity, kabilang na ang buong lalawigan ng Cavite, at ilang bahagi ng Bulacan, Pangasinan, Rizal, Palawan, Antique, Metro Manila, at Cebu.

Bilang tugon, agad na nagpadala ng ayuda ang Department of Agriculture DA sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. Nagbigay ang ahensiya ng:

  • Libreng binhi ng palay, mais, at gulay na nagkakahalaga ng mahigit ₱596 milyon
  • 2,100 sako ng bigas na ipinamamahagi sa mga lugar tulad ng Palawan at Albay
  • Pondo para sa agarang rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar
  • Pautang na hanggang ₱25,000, walang interes, babayaran sa loob ng tatlong taon
  • Halos ₱268 milyon na ibabayad sa mga insured na magsasaka bilang kabayaran sa pinsala

Patuloy rin ang koordinasyon ng DA sa mga lokal na pamahalaan at isinasagawa ang field validation sa mga naapektuhang taniman. Bukod dito, binabantayan din ang presyo ng mga produktong agrikultural upang maiwasan ang pagtaas ng presyo sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity. Alinsunod sa Price Act, ipinatutupad ang price freeze sa mga apektadong lugar.