SENSITIBONG BALITA‼️

14-ANYOS ESTUDYANTENG NASAMPAL UMANO NG GURO, PATAY; ANONG REKLAMO ANG KAKAHARAPIN?

Patay ang isang Grade 5 student noong October 2 matapos sampalin umano ng kanyang guro sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.

Base sa ulat, nasampal ang 14-anyos na bata dahil sa pag-iingay. Kwento ni Elena Minggoy, ina ng biktima, nagsumbong agad sa kaniya ang anak matapos ang insidente.

Nakapasok pa umano ang kanyang anak nang 3 araw pero pag-uwi nito mula sa paaralan noong September 26 ay bigla na lang itong nagsuka, nahilo at nakaramdam ng pananakit ng ulo.

Dinala naman ang biktima sa Amang Rodriguez Medical Center at na-comatose. Ayon sa doctor, may nangyaring pagdurugo sa utak ng anak ni Minggoy.

Ipapa-autopsy naman ang bangkay ng estudyante upang malaman o matiyak ang kinamatay nito.

Nilinaw naman ng guro sa Antipolo Police na bagaman dumapo ang kamay niya sa mukha ng Grade 5 pupil, hindi niya sinampal ang bata kundi tinapik lang ang pisngi.

Inihahanda na rin ng pulisya ang mga reklamong homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law laban sa gurong nanampal habang pupuntahan naman daw ng DepEd superintendent ang paaralan ukol sa insidenteng ito.

Ayon kay Atty. Arnold G. Onia, Legal Officer ng DepEd Nueva Ecija, sa ilalim ng kanilang Child Protection Policy, ipinagbabawal ang kahit na anong klase ng pang-aabuso, pisikal man, sa pananalita o sexual.

Kung sakaling makaranas ang isang bata ng pang-aabuso sa kanyang guro ay maaari lamang maghain ng complaint sa Regional Director o maaaring dumulog sa Legal Office sa Deped Nueva Ecija na matatagpuan sa bayan ng Santa Rosa.

Nilinaw din ni Onia na dapat ito ay may sinumpaang salaysay ng pagrereklamo upang kanilang masimulan ang pag-iimbestiga sa insidente.

Kung mapatunayang lumabag sa alituntunin ang guro, makakatanggap ng reprimand, suspension ng isa hanggang 12 buwan o maaaring matanggal sa serbisyo ng pagtuturo.

Mensahe naman ni Atty. Onia sa mga guro na ingatan at mahalin ang sinumpaang tungkulin lalo na sa mga bata na umaasa sa kanila bilang pangalawang magulang.