Lahat ng Nasugatan at Nasawi sa Crans-Montana Fire, Nakilala Na
Crans-Montana Fire – Kinumpirma ng mga awtoridad na lahat ng 116 na taong nasugatan sa sunog sa bar na Le Constellation sa Crans-Montana ay nakilala na.
Ayon sa Valais Cantonal Police, ibinaba rin nila ang bilang ng nasugatan mula 119 patungong 116 matapos mapag-alamang tatlong pasyente na pumunta sa emergency room noong gabing iyon ay hindi pala kaugnay ng sunog.
Sinabi ng pulisya na ang proseso ng pagkilala sa mga nasugatan at sa mga nasawi ay isinagawa ng Valais Cantonal Police, ng Disaster Victim Identification (DVI) team, at ng Institute of Forensic Medicine.
Mga Biktima mula sa Iba’t Ibang Bansa
Sa kabuuang 116 na nasugatan, 83 ang nananatiling naka-confine sa ospital.
Kabilang sa mga nasugatan ang 68 Swiss citizens, na binubuo ng 21 babae at 47 lalaki.
Mayroon ding 21 French, 10 Italian, dalawang Polish, at tig-iisang mamamayan mula sa Belgium, Portugal, Czech Republic, Australia, Bosnia, Congo, at Luxembourg.
Mayroon ding apat na Serbian at apat na may dual nationality (France/Finland, Switzerland/Belgium, France/Italy, Italy/Philippines).
Noong Linggo ng gabi, inanunsyo rin ng pulisya na kumpleto na ang pagkakakilanlan sa 40 kataong nasawi sa sunog.
Karamihan sa 40 Nasawi ay Menor de Edad
Sinabi ng mga awtoridad na karamihan sa mga nasawi ay mga bata.
Dalawampu sa kanila ay menor de edad, at ang pinakabata ay 14 taong gulang.
Habang anim lamang sa mga nasawi ang may edad na 23 pataas.
Ayon sa pulisya, 22 sa mga nasawi ay Swiss citizens.


