143 PILIPINONG NAKULONG SA UAE, PINALAYA

Nabigyan ng pardon ng gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) ang 143 Filipino na mga nakulong.

Dahil dito pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed sa isang phone call noong October 14, dahil nakahinga na aniya ng maluwag ang pamilya ng mga ito.

Nagpasalamat din umano ang Pangulo kay Zayed sa mga tulong na ipinagkaloob sa Pilipinas.

Hindi naman tinukoy kung anong mga kaso ang kinaharap ng mga Filipino na nabigyan ng pardon.

Paliwanag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, mga minor offenses o maliliit na kasalanan lang at hindi mga nasa death row ang mga pinatawad.

Karaniwan umanong nagpapatawad ang UAE sa panahon ng kanilang Eid Al Adha tuwing buwan ng Hunyo.