15TH BIRTHDAY NG ISANG BATA SA TARLAC, MASAYANG IPINAGDIWANG HABANG SIYA AY NAKABUROL
Pangarap ng bawat bata ang magblow ng candle sa kanilang kaarawan, ngunit paano kung ang dapat na magblow ng kandila sa birthday cake ay nakahimlay at pinaglalamayan na?
Tulad ng kanyang hiling, may mga handang pagkain, may mga cake at mga batang nagkakantahan ng happy birthday, ganito kasaya ang naging selebrasyon ng kaarawan ng labing limang taong gulang na si Dexcel Tolentino.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi na naabutang ni Dexcel dahil isang araw bago ang kanyang kaarawan ay binawian na siya ng buhay, ngunit tinupad pa rin ng kanyang pamilya ang kanyang hiling na ipagdiwang ito ng masaya sa kabila ng kalungkutang nararamdaman nila habang nakaburol siya.
Na-diagnose noong 2013 na mayroong kidney failure si Dexcel na taga Paniqui, Tarlac, at mula noon ay sumasailalim na siya sa dialysis.
Nitong Hunyo nang payuhan ng Doktor ang mga magulang ni Dexcel na kinakailangan itong dumaan sa kidney transplant dahil sa paglala ng kanyang kalagayan.
Naging mahirap para sa kanila ang paghahanap ng organ o kidney donor, kaya habang nasa ospital ito ay hiniling niya sa kanyang mga magulang na ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa kanilang bahay.
Sa kabila ng pagsisikap at paghahanda para tuparin ang kanyang hiling ay hindi na ito naabutan ni Dexcel, kaya kahit na pumanaw na ito ay itinuloy pa rin nila ang selebrasyon.
Kabilang din sa hiling ni Dexcel na tinupad ng kanyang pamilya ang makapagbigay ng regalo sa kanilang mga kakilala sa kanyang birthday bilang pasasalamat sa kanilang mga dasal at tulong sa kanila, sa tulong na rin ng ilang mga kakilala na nagdonate ng pang-giveaways.
Sa gitna ng pagdadalamhati kahit paano ay naibsan naman ang kanilang kalungkutan dahil wala na ngayong mararamdamang hirap si Dexcel dahil kapiling na siya ng ating Lumikha.

