16 ANYOS NA NOVO ECIJANO, NAG-IIWAN NG BAKAS SA MOTOCROSS

Sa murang edad na 16, pinapatunayan ni McLaren Villacorta ng San Jose City, Nueva Ecija, na hindi hadlang ang kabataan para makilala sa larangan ng motocross.

Nagsimula si McLlaren sa edad na siyam, nang turuan siya ng kanyang ama—na dati ring motocross rider, sa simpleng race track na itinayo ng kanyang ama sa kanilang bukid sa San Jose City, kung saan niya natutunan ang unang aral sa motocross—ang pagtumba, pagkakamali, at ang pagbangon mula rito.

Ngunit gaya ng maraming atleta, hindi naging madali ang kanyang simula. Inamin niyang sa kanyang unang karera sa Talugtog gamit ang 50cc motor ay nahirapan siya at hindi nanalo., subalit dahil sa tiyaga, aral, at walang sawang ensayo, unti-unti niyang nakamit ang kumpiyansa at bilis na kailangan sa isport.

Mula sa mga lokal na enduro races, nakapasok si McLaren sa mas malalaking kumpetisyon tulad ng Motul Motocross Series kung saan nakuha niya ang kanyang unang panalo sa production class nitong Mayo.

Sunod-sunod na rin ang kanyang mga titulo sa iba’t ibang panig ng bansa—mula Zambales hanggang Dumaguete, mula Rizal hanggang Mindanao.

Kabilang sa kanyang mga pinakamalaking tagumpay ay ang mga kampeonato sa Montalban Rizal Motocross, Zambales Motocross, Pagibang Damara Festival sa San Jose City, at Tuguegarao Motocross.

Sa mga panalo, iniipon lamang niya ang premyo upang makatulong sa gastusin sa susunod na laban o sa kanilang pamilya.

Hindi lamang lakas at bilis ang puhunan ni Mclaren, kundi disiplina sa araw-araw, kapag may pasok, nakatuon siya sa jogging at gym. Kapag bakasyon, mas mahaba ang oras niya para sa training sa race track.

Sa ilalim ng gabay ni Coach Jovie Saulog ng Honda JMS Motocross School, patuloy niyang pinapanday ang kanyang kakayahan.

Malaki rin ang papel ng kanyang pamilya sa kanyang paglalakbay, ang kanyang ama, isang motorcycle mechanic, ang unang nagturo at patuloy na gumagabay sa kanya, samantalang ang kanyang ina, na nagtatrabaho abroad, ay nagsisilbing inspirasyon para sa kanyang pagpupursige.

Bukod sa tropeo at medalya, malaki rin ang naituro ng motocross sa kanyang pagkatao.

At sa bawat laban, laging dala ni McLaren ang pananalig sa Diyos na poprotektahan siya Nito at palagi siyang ilalayo sa kapahamakan o disgrasya.

Sa kabila ng murang edad, malayo na ang narating ni McLaren, ngunit para sa kanya, ito ay simula pa lamang.

Hiling niya ang mas marami pang kabataang Novo Ecijano ang sumubok ng isport na kanyang minahal, dala ang parehong tapang, disiplina, at inspirasyon mula sa pamilya.

Sa bawat andar ng kanyang motor at lipad mula sa jump, bitbit niya ang pangarap—hindi lang para sa sarili, kundi para sa kanyang pamilya at sa Nueva Ecija.