Pinag-iingat ang mga residente ng Brgy. Bued, Calasiao, Pangasinan kung saan natagpuan ang hunos o pinagbalatan ng ahas na nasa labing anim na talampakan at maging ang mga residente sa kalapit nitong mga lugar.

Tila naman nabigyan ng kasagutan ang ilang mga residente na nawawalan ng mga alagang aso at manok na ang buong pag-aakala ay mga kapitbahay ang kumuha.

Paniwala ng ilan, maaaring ang dambuhalang sawa na nagmamay-ari ng hunos ang kumain ng kanilang mga nawawalang alaga.

Matapos kumalat sa social media ang mga larawan at video ng naturang hunos ay ilang mga snake hunters ang sumubok humuli at humanap sa dambuhalang ahas ngunit bigong matagpuan ito.

Bagaman nakahuli rin ng malalaking ahas sa naturang lugar ang mga snake hunters ay hindi ang mismong nagmamay-ari ng hunos ang kanilang nahuli.

Tumulong na rin sa paghahanap sa kinatatakutang sawa ang City Environment & Natural Resources Office (CENRO)-Central Pangasinan.

Nang matagpuan ng anim napu’t anim na taong gulang na magsasaka ang hunos sa masukal na kakahuyan ay malambot, malansa at mamasa-masa pa umano ito na maaaring indikasyon na kapapalit pa lamang ng dambuhalang ahas noon ng balat.

Unang inakala na isang reticulated python ang gumagalang sawa ngunit ayon sa mga eksperto base sa marka ng pinagbalatan nito, ito ay isang Burmese python.

Posible umanong alaga ang sawang pinaghahanap dahil malusog ito batay sa kondisyon ng pinagbalatan nito.

Dahil sa takot ng mga residente may ilan na halos hindi na pinalalabas ng bahay ang mga maliliit na anak habang mayroon namang nagresign pa sa trabahao para mabantayan ang anak, dahil sa laki ng hunos ay posible na umano itong lumulon ng tao.

Naglagay na rin ng mga karatula sa masukal na bahagi ng barangay upang wala na munang pumuntang residente doon lalo na sa gabi kung kailan mas lumalabas umano ang iba’t ibang uri ng ahas.