BABALA! SENSITIBONG BALITA:
160 BATANG INABUSO UMANO NG AMERICAN PASTOR, INILIGTAS AT NASA PANGANGALAGA NA NG DSWD CENTRAL LUZON
Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang Amerikanong pastor na suspek sa umano’y pang-aabuso sa 160 na bata.
Kinilala ang lalaking suspek na si Pastor Jeremy Ferguson na director ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Inc. (NLBCMPI) kung saan sinagip ang mga bata matapos makatanggap ng reklamo laban sa kanya ang Department of Social Welfare and Development Office.
Kabilang sa mga reklamo ang physical, verbal, at psychological abuse, presensya ng fire hazards, maruming pasilidad, maling pamamahala ng pondo, at kawalan ng kaukulang registration, license to operate, at accreditation mula sa DSWD.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakumpirma ang mga nabanggit na isyu, kaya kaagad na inihain ang Cease and Desist Order (CDO) sa New Life Baptist Church, kasabay ng pagliligtas sa mga bata.
Ang mga biktima ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Reception and Study Center for Children (RSCC) ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon, kung saan tinutugunan ang kanilang pisikal, emosyonal, at mental na pangangailangan para sa kanilang recovery.

