18 ANYOS NA BINATA, PATAY DAHIL UMANO SA HAZING SA SAN LEONARDO, NUEVA ECIJA
Wala nang buhay nang iuwi ang 18 anyos na binatang si Ren Joseph Bayan sa kanilang tahanan sa Brgy. San Pablo, Jaen, Nueva Ecija dahil umano sa hazing.
Ayon sa isang panayam sa tita ng biktima na si Jennifer Bayan, nagsabi sa kanya ang kanyang pamangkin na desidido itong sumali sa fraternity na Tau Gamma Phi at sa kabila ng mga pangaral at pagpigil dito na sumali ay sumuway pa rin umano ito.
Sinabi din umano sa kanya ni Ren na ipagdasal niya ito sa September 29, dahil nakaline-up ito para daw sa hazing na gaganapin sa Brgy. San Anton, San Leonardo, Nueva Ecija.
Bagaman hindi rin ito sigurado kung natuloy ito dahil nabanggit ng binata na nagkaroon daw ng problema ang isa sa mga kasamahan nito.
Dahil malapit sa kanya ang pamangkin ay sa kanya lamang daw ito nagsabi tungkol sa hazing habang ang ina ng binata ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Isinailalim din aniya sa otopsiya ang bangkay ng binata kung saan ayon sa kanya ang lumabas sa resulta ay sobrang bugbog ng mga hita, nagkaroon ng bleeding, at nagkaroon ng komplikasyon sa bato at puso na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Pakiusap naman ng ama ng biktima sa dalawang tao na nagdala sa kanila sa bangkay ng kanyang anak na makipagtulungan sila sa imbestigasyon upang malaman ang tunay na nangyari dito na ‘tila aniya binaboy.

