18-ANYOS NA TINDERA NG KAKANIN SA PANGASINAN, INSPIRASYON SA PAGPUPURSIGI UPANG MAKAPAG-ARAL

Umantig sa puso ng mga netizen ang kwento ni Hanna, isang 18-anyos na dalaga mula sa Pangasinan, na nagtitinda ng kakanin upang makaipon para sa kanyang pangarap na makapagpatuloy sa pag-aaral.

Tampok siya sa isang vlog ng Team Daddy Frankie kung saan ibinahagi niya ang kanyang simpleng pamumuhay at matibay na determinasyon.

Sa panayam, sinabi ni Hanna na araw-araw siyang naglalako ng kakanin sa halagang ₱12 bawat piraso.

Sa kabila ng maliit na kita na umaabot lamang sa ₱150 hanggang ₱200 kada araw, ipinagmamalaki niya ang marangal na hanapbuhay na ito na nakakatulong sa pambili ng bigas at ulam para sa kanilang pamilya.

Aniya, kailangan natin maging masipag para umangat ang buhay, lalo na’t isa sa kanyang mga pangarap ay maging flight attendant upang makapaglibot sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa kanya, ang kanyang ina ay nakikibunot ng palay habang ang ama naman ay nag-uuling at nakikitanim sa bukid, dahil dito, mas lumalakas ang loob niyang magsumikap at huwag ikahiya ang pagtitinda.

Bukod sa pagbibigay ng inspirasyon, umani rin ng papuri si Hanna sa pagiging masunurin at mapagmahal na anak, aniya, hindi siya nagdadalawang-isip na ipagamit ang kanyang ipon sa pamilya kung kinakailangan para sa pagkain.

Sa pagtatapos ng vlog, pinakyaw ng Team Daddy Frankie ang kanyang paninda at binigyan siya ng tulong pinansyal na ₱3,000 bilang suporta sa kanyang pag-aaral.

Lubos ang kanyang pasasalamat at nagbigay rin siya ng mensahe ng pagmamahal at pasasalamat sa kanyang mga magulang at kapatid.

Nag-iwan si Hanna ng aral sa kapwa kabataan: huwag ikahiya ang marangal na hanapbuhay at patuloy na magsikap at magtiwala sa Diyos upang maabot ang pangarap.