BABALA! SENSITIBONG BALITA:
1987 MASAKER SA BRGY. NAMULANDAYAN, NUEVA ECIJA, NAKAMIT NGA BA ANG HUSTISYA
Narinig mo na rin ba ang trahedyang Namulandayan Masaker?
Nang taong 1987 noong ika-10 ng Pebrero sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulo Corazon Cojuangco-Aquino, isang taon matapos ang historikal na pag-aalsa sa “people power” na siyang nagluklok sa pangulo, nangyari ang bangungot ng mga residente sa bayan ng Lupao sa Sitio Padlao, Brgy. Namulandayan.
Ang malagim na insidente ay nagsimula dahil sa pagpatay ng isang rebelde sa pinuno ng Philippine Army na si 2nd Lieutenant Edgar Dizon.
Isinagawa ang planong pagpatay habang nagroronda ang Alpha Company ng 14th Infantry na batalyon, upang may mapanagot at maiganti ang kanilang lider, tinipon ng kasundaluhan ang mga residente sa nasabing lugar upang interogahin kabilang ang mga magsasaka kasama ng kanilang pamilya, anak at matatanda.
Dahil sa walang umaamin, dito na nangyari ang pagpapaulan ng bala at naganap ang karumal-dumal na krimen na nauwi sa pagpatay sa 17 na sibilyan kabilang ang mga bata at 2 matanda. Tatlumpu’t pito (37) na taon na ang nakalipas, ang iba’y ibinaon na lamang ito sa limot, ngunit sa mga taong nakaranas nito, ito ay mananatiling bangungot ng kahapon.
Nang taong iyon, hindi punla ng palay ang itinanim, hindi tagaktak na pawis ang tumulo sa lupa, at hindi ingay ng kasiyahan ang umalingawngaw sa paligid kundi bangkay ng mga inosenteng magsasaka’t residente na naliligo sa sariling dugo at sumisigaw ng katarungan na hindi pinakinggan.
Ayon sa dating Kapitan ng Barangay na si Levi Ladia, 78 na taong gulang, hindi nakamit ng mga biktima ang hustisya at marami sa mga sibilyan ang lumikas at lumipat sa ibang barangay.
Ngunit, matapos ang ilang dekada, muling bumalik ang mga residente. Ayon naman kay Remejio Velasquez, residente ng nasabing Barangay, muntikan ng mabura ang maliit na sitio nang mangyari ang masaker, ngunit dahil sa kabutihan ni Donya Salud, isang haciendera, na-relocate muli ang lugar.
Dagdag pa niya, matapos ang insidente, nagkaroon ng maraming proyekto ang barangay katulad ng pagkakaroon ng kuryente.
Ang pangyayaring ito ay naging usap-usapan at naging laman ng mga dyaryo. Ngunit nakakalungkot lamang isipin, na sa kabila ng ‘di makatarungang pagpatay, hindi nila nakamit ang hustisya.

