2 AETA MULA ANGELES CITY, KAUNA-UNAHANG IP SA LUNGSOD NA NAKAPASA SA SOCIAL WORKER LICENSURE EXAM

Dalawang katutubo mula Angeles City ang kauna-unahang Indigenous People (IP) sa lungsod na nakapasa sa Social Worker Licensure Examination (SWLE) nitong September 2025.

Sila ay sina Isaias Pamintuan Baclay ng Sapangbato at Marie Camela Casteñeto David, na parehong nagtapos ng Bachelor of Science in Social Work.

Ayon sa Angeles City Information Office, pinatunayan nilang posible ang makapagtapos at makapasa sa kabila ng kahirapan at diskriminasyon.

Batay sa press release ng DSWD Region 3, si Isaias ay kabilang sa pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at lumaki sa simpleng pamumuhay at nakaranas umano ng diskriminasyon bilang katutubo.

Gayunpaman, nagsilbi anilang inspirasyon ang mga social workers na tumutulong sa kanilang komunidad, kaya pinili nilang magtapos ng pag-aaral at makapasa sa board exam.

Sa kasalukuyan, sina Isaias Pamintuan Baclay, RSW at Marie Camela Casteñeto David, RSW ay hindi lang bagong lisensyadong social workers, kundi nagsisilbi ring inspirasyon sa mga kabataan at sa kapwa nilang katutubo.