BABALA! SENSITIBONG BALITA:
2 HIGH VALUE DRUG INDIVIDUALS, ISA PANG SUSPEK, ARESTADO SA BACK-TO-BACK OPERATIONS NG NUEVA ECIJA AT ZAMBALES PNP
Dahil sa pinaigting na kampanya kontra droga sa buong Central Luzon, matagumpay na naaresto ng mga awtoridad mula sa Police Regional Office 3 (PRO3) ang dalawang high-value individual (HVI) at isa pang suspek kung saan nasamsam ang mahigit ₱700,000 halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Zambales at Nueva Ecija.
Isinagawa ang unang operasyon dakong alas-10:15 ng gabi noong Hulyo 28 sa Barangay Del Pilar, Castillejos, Zambales, ng pinagsanib na operatiba mula sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Castillejos Municipal Police Station, Zambales 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Zambales Provincial Intelligence Unit (PIU).
Humantong ito sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na kinilala lamang sa pangalang “Steve” at “Anak,” kapwa residente ng nasabing barangay. Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 55.5 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na ₱377,400.00.
Makalipas ang ilang oras, bandang 1:32 AM noong Hulyo 29, isinagawa ang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga tauhan ng Cabanatuan City Police Station (CPS) sa Barangay Bantug Norte, Cabanatuan City, Nueva Ecija. Nakuha sa suspek na kinilalang si “Kiko,” ang isang medium-sized at isang small-sized sachet ng hinihinalang shabu, kasama ang ₱1,000 marked money. Humigit-kumulang 51.2 gramo ang bigat ng mga nakumpiskang droga at nagkakahalaga ng ₱348,160.00.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).
Pinuri naman ni Police Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones Jr., Regional Director ng PRO3, ang mga operating unit at inulit ang panawagan sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan.

