20 ANYOS NA ESTUDYANTE, NAGTITINDA NG MERYENDA PARA MATUSTUSAN ANG PAG-AARAL AT GAMOT NG MAGULANG NA MAY CANCER
Maagang naulila sa ama ang 20 anyos na si Franze Nathaniel Santiagao mula sa Brgy. Barrera, Purok Amihan, Cabanatuan City, at bilang panglima sa syam na magkakapatid ay isa siya sa mga humalili upang gampanan ang iniwang responsibilidad ng haligi ng kanilang tahanan.
Sa murang edad ay natutong kumayod si Franze upang tustusan ang kanyang pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
Sa ibinahaging kwento ni Franze sa social media ay sinabi niyang sa hirap ng kanilang buhay ay hindi niya inasahang makapagtatapos siya ng High School dahil naranasan niyang magbaon ng patis, toyo at asin noong siya’y elementarya pa lamang.
Naranasan din niya ang mangalakal ng basura sa Cabanatuan Terminal para may maipambili ng bigas, pangbaon, at pantustos sa bayarin sa eskwelahan.
Bagaman hindi aniya sila naging swerte sa buhay ay maswerte naman sila sa kanilang mga magulang na nagturo sa kanilang makuntento, magtiis at maging mabuting tao.
Nang maghighschool si Franze ay balut naman ang kanyang inilalako kung saan pagkatapos ng kanyang klase ay diretso na siya sa kanyang pagtitinda at doon na rin siya gumagawa ng assignment at nagrereview para sa exam.
Turon at lumpia naman ang naging source of income ni Franze noong Grade 11 hanggang makatapos siya ng Senior Highschool na ipinagpatuloy pa niya hanggang ngayong siya’y First Year College na sa Phinma Araullo University.
Isang ayaw magpakilalang Ginang din daw na nagtatrabaho sa ibang bansa ang tumutulong ngayon kay Franze para mabayaran ang kanyang tuition fee na napaliit nalang dahil naging bahagi siya ng Hawak Kamay Scholarship sa kanilang unibersidad.
Ang pagbalikat sa responsibilidad ng isang ama ay sumubok na sa katatagan ni Franze ngunit mas bumigat pa ito nang madiagnose ng Thyroid cancer ang kanyang ina noong 2022.
Kaya naman sa kanyang pagtitinda na isinasabay niya sa kanyang pag-aaral ay dobleng sipag ang kanyang ibinibigay upang makapag-abot ng pangbili ng gamot para sa kanyang ina.
Ang kanyang stepfather na naging mabuti at itinuring aniya silang mga tunay na anak na mayroon namang bone cancer ay namayapa na kamakailan.
Naipagkait man kay Franze ang masayang ala-ala ng pagkabata dahil sa mga responsilidad ay isang malaking bagay naman aniya ang kanyang natutunan, ang maging responsableng anak at maging masikap sa pag-abot sa pangarap.
Dagdag niya, batid niyang maraming tao ang hindi nakamit ang kanilang pangarap dahil sa kahirapan ngunit ang pagtitiwala sa Panginoon at tiwala sa sarili ang naging sandata niya upang unti-unting makamit ito.

