Higit sa 200 alkalde mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagtipon sa Makabagong San Juan National Government Center upang ipahayag ang suporta sa Senate Bill No. 1482 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Senator Bam Aquino.
Naganap ito matapos maipasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para tugunan ang classroom crisis sa bansa.
Sa pangunguna ni Aquino bilang Chair ng Committee on Basic Education, naaprubahan ang CAP Act sa botong 22-0 at, dahil sa presidential certification, masisiguro ang ₱65-bilyong pondo sa 2026 budget.
Tinawag na “Mayor’s Dialogue on Accelerating Classroom-Building,” ang pagtitipon na nagsilbing Bayanihan summit para ilatag ang LGU-led roadmap sa school construction.
Ayon sa ulat, umabot na sa 166,000 ang classroom backlog noong late 2025 at maaaring lumobo sa 230,000 pagsapit ng 2028 kung walang agarang aksyon.
Sa ilalim ng CAP Act, bibigyan ng kapangyarihan ang local executives na direktang magplano, magtayo, at mag-monitor ng school infrastructure.
Sinang-ayunan ito ni San Juan Mayor at LCP President Francis Zamora na mas bibilis ang pagpapatayo kung sabay-sabay kikilos ang 1,600 munisipalidad at 149 lungsod.
Sa LGU-led model, direktang ibababa ang pondo at bababa ang cost per classroom mula ₱3.5M tungo sa ₱1.5M–₱1.8M habang mas maayos ang last-mile monitoring.
Ibinahagi rin ni Aquino na ang ₱1.34-trilyong 2026 national budget ang pinakamalaki sa kasaysayan at may ₱66 bilyon para sa classrooms.
Nangako ang Department of Education ng technical guidance habang uunahin ng mga mayor ang pagbibigay ng lupa para sa annex schools.
Ayon kay Aquino, ang CAP Act ay reporma sa edukasyon at economic stimulus na lilikha ng mahigit 100,000 trabaho mula sa ₱66 bilyong pondo para sa 25,000 classrooms.

