21 ANYOS NA NOVO ECIJANO, KAMPEON SA GERMANY RAPID CHESS TOURNAMENT

Muling nagbigay ng karangalan sa Pilipinas ang 21-anyos na chess prodigy na si David Ray Sarmiento, mula sa Sto. Domingo, Nueva Ecija, matapos niyang magkampeon sa 50th Anniversary Emden Chess Club Rapid Chess Championship na ginanap sa Culture Center Emden, Germany noong Setyembre 14, 2025.

Nagwagi si Sarmiento na may kabuuang 6.0 puntos mula sa 5 panalo at 2 tabla, dahilan upang masungkit ang titulo nang walang talo.

Sa panayam sa kanya ng The Manila Times ay inamin nitong hindi naging maayos ang kanyang opening preparation, gayunpaman nasiyahan siya sa naging transisyon sa middle game dahil nagbigay ito ng komportableng posisyon at buo ang kanyang kumpiyansa sa endgame knowledge dahil matagal niyang pinag-aralan ang theoretical endgames.

Kilala si Sarmiento sa kanyang malalim na kaalaman sa opening at endgame ng chess.

Ang kanyang istilo ng paglalaro ay nakabatay sa matyagang positional play, eksaktong pagsusuri, at kakayahang lumipat sa dynamic at tactical play kapag kinakailangan.

Ang panalong ito ay itinuturing na isang malaking karangalan para sa Pilipinas sa pandaigdigang komunidad ng chess.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na nagningning si Sarmiento sa Europa; noong Abril 2025, nagtapos siya bilang ikalawang puwesto sa B Division ng Grenke Chess Open sa Karlsruhe, Germany matapos makapagtala ng 8.0 puntos mula sa 7 panalo at 2 tablam at nag-uwi ng 1,500 euros.

Sa tagumpay na ito sa Emden, inaasahan na mas lalo pang makikilala si Sarmiento at magiging matatag ang kanyang kampanya sa mga susunod pang European tournaments.