Mas maraming Pilipino ang maaaring makinabang sa mas abot-kayang presyo ng mga gamot matapos ianunsiyo ng Bureau of Internal Revenue o BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang pagtatanggal ng 12 percent value added tax o VAT sa 21 na gamot na panlaban sa sakit o karamdaman.
Ito ay sa bisa ng Revenue Memorandum Circular No. 17-2024 para maging exempted sa VAT ang dalawang gamot sa cancer, lima para sa diabetes, dalawa para sa mataas na cholesterol, limang gamot sa hypertension, apat para sa kidney disease, isang gamot sa mental illness, at dalawa para sa tuberculosis.
Ang nasabing circular ay sagot ng BIR sa kahilingan ng Food and Drug Administration at ng Department of Health na nag-eendorso sa mga VAT-Exempt Products sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law at RA 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE.
Sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang media forum na ang updated list ng VAT-exempt medicines ay makakatulong sa mga taong maysakit. Dagdag pa ni Herbosa, ang mga kaso ng pagkamatay ay nangyayari kapag ang mga pasyente ay may limitadong pambili sa mga gamot na tumutulong sa pagkontrol sa mga sakit nito.
Ang pagtanggal ng 12 percent VAT sa mga gamot ay handog ng BIR sa Bagong Pilipinas Program ng pamahalaan para sa mabilis na serbisyong maaasahan.
Matatandaan noong 2023, ang BIR ay naglabas ng 59 na gamot na inalisan rin ng buwis para maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga Pinoy na umiinom ng gamot para mapabuti ang kanilang kondisyon.

