22 BARANGAY SA CABANATUAN, NAKATANGGAP NG TIG-500 BAGS NG SEMENTO

Napagkalooban ng tig-500 bags ng semento mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” M. Umali at Vice-Governor ‘Doc. Anthony M. Umali, ang dalawampu’t dalawang barangay sa lungsod ng Cabanatuan.

Ang pagbibigay ng mga semento ay bahagi ng Bayanihan Project kung saan magkatuwang ang mga barangay at ang lokal na pamahalaan sa pagtataguyod at pagpapatupad ng mga proyekto para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

Ayon kay Vice Gov. ‘Doc. Anthony Umali, sa pamamagitan ng mga sementong regular na ipinamamahagi ng provincial government sa mga barangay ay maisasaayos na ang kanilang mga kalsada sa kanilang nasasakupan na kalimitang suliranin ang mapuputik at bako-bakong daan.

Kabilang sa mga nakatanggap ng mga semento ang Barangay Dicarma, Mabini Homesite, at Talipapa.

Sinabi ni Vice Governor Umali, mula sa pag-iikot sa mga barangay dahil sa pamamahagi ng bigas sa bawat tahanan ng mga Cabanatueño ay nasaksihan nila ang pangangailangan sa pagpapaayos ng mga kalsada sa barangay, kaya naman sa inisyatibo ng mga kapitan ay sama-sama silang lumapit sa pamahalaang panlalawigan para matugunan ang kanilang pangangailangan.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga kapitan sa mabilisang aksiyon at tugon ng provincial government sa kanilang kahilingan.

Pagbabahagi ni Kapitan Cabuhat, maliban sa mga sementong kanilang natanggap ay marami na ring mga pagawain sa kanilang barangay ang naipagkaloob ni Governor Oyie Umali, tulad ng pagkakaroon ng barangay patrol ambulance.

Malaking tulong aniya ang ambulansya para maayos nilang maihatid sa mga pagamutan ang kanilang mga kabarangay na nagkakasakit.

Pasasalamat din ang ipinaabot ni Kapitan Ace San Andres ng Barangay Mabini Homesite, at Brgy. Captain Mirasol Dela Cruz ng Brgy. Talipapa, Cabanatuan City kina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony, dahil sa kanilang natanggap na tulong.