22 IPINAGBABAWAL NA PAPUTOK SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON, INILABAS NG PNP
Inilabas na ng Philippine National Police ang updated na listahan ng mga ipinagbabawal na paputok, ilang linggo bago ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa sa PNP- Firearms and Explosives Office, ang mga paputok ay mayroon dapat na maximum 0.3 grams o 1/3 teaspoon ng gunpowder at hindi rin dapat maiksi o mahaba ang fuse.
Ilan sa mga nasa listahan ng ipinagbabawal ng pulisya ay ang Watusi, Poppop, Five star, Pla-pla, Piccolo, Giant bawang, Goodbye bading, Goodbye Philippines, Atomic bomb, Super lolo, Hello Colombia, Judas’ belt, Giant whistle bomb, Atomic triangle, Mother rocket, Goodbye Delima , Goodbye Napoles , Coke-in-can, Super Yolanda, Pillbox star, Kabasi at Hamas.
Sinabi ng PNP na ang mga nabanggit na primary explosives ay delikado dahil masyado raw sensitibo ang mga ito lalo na kung ma-expose sa friction o makikiskis, impact o mapukpok, shock o heat o mag-iinit, bagay na maaaring panggalingan ng biglaang pagsabog.
Dahil dito, binalaan ni Police Lt. Col. Al Abanales ng PNP-FEO ang mga negosyanteng gumagawa, nagbebenta, at palagiang pinapalitan ang pangalan ng mga ilegal na paputok upang makaiwas sa hulihan pero pareho lamang umano ang composition ng mga ito.
Aniya, ang mga lalabag dito ay maaaring magmulta ng P20, 000 hanggang P30, 000 o pagkakakulong ng 6 hanggang 1 taon depende sa magiging desisyon ng korte.
Una nang inilabas ng PNP ang mga ligal na paputok na dapat lamang gamitin ng publiko gaya ng Baby rocket, Bawang, El Diablo, Paper caps, Pulling of strings, Sky rocket (kwitis), Small “triangulo”, Butterly, Fountain, Jumbo, regular, and special luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo at Whistle device.
Magugunitang nagtala ang Department of Health ng 291 na sugatan sa pagsalubong ng 2023 na mas mataas noong 2021 na mayroong 186 na kaso ng naputukan.

