25 HORNBILLS, NASABAT SA SARANGANI CHECKPOINT

Nakumpiska ang 25 Hornbills na nakatago sa bagahe ng isang Mitsubishi Montero Sport sa isinagawang regular checkpoint operations sa Barangay Tinoto, Maasim, Sarangani Province noong Septembre 27, 2025.

Ayon kay Atty. Felix S. Alicer, regional executive director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) -12, agad na nakipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) – 2nd Platoon ng 2nd Sarangani Provincial Mobile Force Company sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Kiamba Forest Protection Officer nang matuklasan ang mga Hornbills na nakatali sa mga makeshift cage sa loob ng sasakyan.

Nabigo umano ang driver, na residente ng Malalag, Davao del Sur, na magpakita ng transport permit mula sa DENR.

Nakilala at na-verify ng DENR-12 ang mga Hornbills bilang Writhed Hornbills at Rufous Hornbills. Anim sa Rufous Hornbills ay natagpuang patay na nang inspeksyunin, habang ang mga nakaligtas ay isinailalim sa pangangalaga ng Regional Wildlife Rescue Center (RWRC) sa Lutayan, Sultan Kudarat para sa rehabilitasyon.

Ayon kay RED Alicer, isinampa ang kasong kriminal sa Office of the Provincial Prosecutor sa Alabel, Sarangani Province noong September 29, 2025 laban sa driver ng sasakyan para sa paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, na nagbabawal sa ilegal na transportasyon at pag-aari ng wildlife.

Ipinaalala ng DENR sa publiko na ang walang awtorisasyong pag-aari, pangangalakal, o pag abandona ng wildlife ay maaaring magdulot ng parusa, kabilang ang pagkakulong at multa.