274 NOVO ECIJANO, NABIGYAN NG LIBRENG OPERASYON SA SURGICAL CARAVAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Patuloy na pinapatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, sa pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali, ang malasakit nito sa kalusugan ng bawat Novo Ecijano sa pamamagitan ng programang PGNE Surgical Caravan: Seruhano ng Alagang Umali.
Layunin ng programa na maihatid ang libreng operasyon at serbisyong medikal sa mga mamamayan sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.
Mula July 17 hanggang October 21, 2025, kabuuang 274 Novo Ecijano ang nabenepisyuhan ng libreng operasyon, na binubuo ng 11 major at 263 minor surgeries.
Kabilang sa mga isinagawang operasyon ang tongue-tie release, hemorrhoidectomy, fistulectomy, cholecystectomy, at excision ng cysts at lipomas, na nagbigay ginhawa at pag-asa sa mga pasyenteng matagal nang may iniindang karamdaman.
Sinimulan ang surgical caravan sa Gapan District Hospital noong July 17, kung saan isinagawa ang 3 major at 15 minor surgeries.
Sumunod ang San Antonio District Hospital noong July 25 na nakapagsagawa ng 58 minor operations, at ang Bongabon District Hospital noong August 14 na may 3 major at 37 minor surgeries.
Nagpatuloy ang programa sa Gabaldon Community and Medicare Hospital noong August 22 na may 17 minor operations, habang San Jose City General Hospital naman noong August 28 ang nakapagsagawa ng 27 operations, kabilang ang mga major cases gaya ng cholecystectomy at herniorrhaphy at Eduardo L. Joson Memorial Hospital ang nagsagawa ng 33 minor surgeries.
Noong September 4, Sto. Domingo District Hospital ang nakapagtala ng 23 operations, kabilang ang 1 major case ng cholelithiasis, habang noong September 12, Guimba District Hospital ay nakapagsagawa ng 2 major at 24 minor operations.
Nagtungo rin ang caravan sa Carranglan Community and Medicare Hospital noong October 14 para sa 13 minor surgeries, at nagtapos sa General Tinio Community and Medicare Hospital noong October 21 na may 19 minor operations.
Ayon sa Provincial Health Office, ang tagumpay ng unang round ng PGNE Surgical Caravan ay resulta ng malawakang pagtutulungan ng mga medical team, district hospitals, at mga lokal na pamahalaan.
Layunin ng programa na mailapit mismo sa mga tao ang serbisyong medikal, lalo na sa mga mamamayang walang kakayahang magpagamot o magpaopera sa mga pribadong ospital.
Nakatakdang ipagpatuloy ng PGNE Surgical Caravan ang ikalawang yugto ng operasyon sa darating na October 30 upang mapalawig pa ang saklaw ng libreng serbisyong medikal sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

