Hinahabol at hinuhuli kapag nakikita sa loob ng bahay dahil mapanira ng mga gamit, ganyan kapag naispot-an ang unwanted visitor at itinuturing na peste na mga “mabait” o daga sa loob ng ating tahanan, pero ang 29 anyos na Novo Ecijanong si Christian Erixson Macatula mula sa Cabiao, Nueva Ecija, ay inaalagaan sila para ibenta.
Nagsimula sa libangan sa pag-aalaga ng mga hamster si Christian noong 2017 at kalaunan ay nag-alaga din ng mga ahas na pinakakain nito ng mga daga na binibili pa niya noon.
Hanggang sa naisipan niyang magbreed ng mga tinatawag na “feeder rats” na hiningi niya mula sa kanyang kaibigan, mula sa 10 feeder rats na 5 babae at 5 lalaki ay pinarami niya ito para ipakain sa kanyang alagang ahas.
Nang mapansin niyang sumosoba na ang kanyang supply ng daga ay sinimulan niya itong ibenta sa mga nag-aalaga din ng mga ahas hanggang sa malalaking farm ng reptiles kagaya ng ball python na may minimum order na 300 feeder rats.
Tuloy-tuloy din aniya ang bentahan ng mga daga at buwan-buwan ay mayroon siyang buyer kaya naman kumikita ito ng Php35K hanggang Php50K monthly at nadodoble o natitriple pa sa buwan ng July hanggang Disyembre.
Sa buwang ito kasi inihahanda ang mga ball python breeder kaya kinakailangan silang pakainin at busugin ng feeder rats.
Hindi aniya high maintenance ang pag-aalaga ng mga daga pero kailangan itong tutukan at matrabaho talaga, sa ikaapat na buwan ng mga babaeng daga ay maaari na silang magbuntis at sa loob ng 21-23 araw ay nanganganak na ito ng nasa walo hanggang labing dalawa.
Maliban sa mga daga ay nagbebenta din si Christian ng hamster at guinea pig na isinasali niya sa mga exhibit event kaya sa mga nais bumili ay maaari siyang kontakin sa kanyang Facebook page na Pets Hub o sa kanyang personal account na Christian Erixson Macatula.

