Inihayag ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na makukumpleto na ang 3.2 milyong backlog sa plastic card para sa pag-imprenta ng mga driver’s license sa loob ng 45 araw.

Sa press briefing nitong Lunes, Abril 15, sinabi ni Mendoza na muli silang nakatanggap ng 600,000 pang plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensya sa pagmamaneho.

Magiging tuloy-tuloy umano ito hanggang makumpletong ma-deliver ang 3.2 million piraso ng plastic cards. At inaasahan na makukumpleto ang delivery sa loob ng 45 araw. Ito’y matapos maidelever ang unang batch noong Marso 25 ayon kay Mendoza.

Nauna nang inihatid sa LTO ang isang milyong plastic card noong Marso 25 matapos pawalang bisa ng Court of Appeals ang injunction order sa pagdeliber ng mga natitira pang plastic card mula sa Banner Plastic na binili noong 2023.

Isang araw matapos ihatid ang isang milyong piraso ng plastic card, agad na naglabas ang LTO ng schedule ng renewal ng mga expired na driver’s license. Layunin ng renewal schedule na matiyak ang maayos na proseso at pamamahagi ng mga plastic-printed plastic card sa lahat ng tanggapan ng LTO sa buong bansa.