BABALA! SENSITIBONG BALITA:
3 TAONG GULANG NA BATA, NASAWI DAHIL SA BUMARANG GUMMY CANDY SA KANYANG LALAMUNAN
Naitakbo pa sa pagamutan ang tatlong taong gulang na batang si Maxx Harvey Lucero Pablo mula sa San Jose City, Nueva Ecija, ngunit kinalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa kinain nitong gummy candy na bumara sa kanyang lalamunan.
Sa isang panayam sa ama ng bata ay sinabi nitong nagpabili ng candy ang kanyang anak at binuksan pa niya para makain ito ng bata.
Maya-maya lang ay nakita na aniya niya si Harvey na namumutla at namumula ang mga mata dahil nahihirapan nang makahinga dahil nabulunan na pala ito ng candy.
Nailabas naman daw ng bata ang candy nang may tumulong sa mag-ama para mailuwa ito ngunit may isa pa palang candy ang bumara sa kanyang lalamunan.
Mabilis na itinakbo si Harvey sa pagamutan ngunit hindi rin naisalba ang kanyang buhay dahil nawalan ng suplay ng oxygen ang kanyang utak at nagkaroon ng pagdurugo at impeksyon sa kanyang baga.
Ang gummy candy na kinain ng bata ay isang bilog, malagkit at makunat na candy na halos singlaki ng bente pesos na barya at nabibili sa mga sari-sari store sa halagang limang piso.
Dahil sa nangyari sa bata ay ipinagbawal na sa Brgy. Kaliwanagan ng lungsod ng San Jose ang pagbebenta ng ganitong uri ng candy at sinuman ang mahuhuling nagtitinda nito ay papatawan ng multa.
Ayon sa isang General Physician, ang daanan ng hangin ng mga batang edad 4 pababa ay para lang plastic straw kaya madali lamang mabarahan, kaya naman kinakailangan aniyang iwasan ang anumang malagkit o matigas na pagkain sa mga bata.

