30-ARAW NA FLEXIBLE VACATION, IBIBIGAY NG DEPED SA MGA GURO NG PAMPUBLIKONG PAARALAN
Inanunsiyo ng Department of Education na bibigyan ng 30-araw na flexible vacation ang mga guro mula April 16 hanggang June 1.
Batay sa Department Order No. 9, series of 2025 ng DepEd, papayagan ang mga guro sa pampublikong paaralan na magamit ang kanilang mga araw ng bakasyon sa magkakasunod o staggered basis.
Kabilang din sa mabibigyan ng katumbas ng isang buwang bakasyon ay ang Alternative Learning System teachers at ang mga nagtuturo ng Arabic Language and Islamic Values Education classes.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang layunin ng bakasyon ay upang makapagpahinga ang mga guro at mag-aaral kasama ang kanilang pamilya matapos ang academic year.
Ang kautusang ito ay bahagi ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapabuti ang work-life balance ng mga guro.
Sa ilalim ng DO 9, hindi obligadong lumahok ang mga guro sa anumang aktibidad kaugnay sa Performance Management Evaluation System (PMES).
Kung pipiliin namang dumalo ng mga guro, bibigyan sila ng karagdagang Vacation Service Credits bukod pa sa 30-araw na bakasyon.
Papayagan din ng ahensiya ang mga guro na makilahok sa mga aktibidad sa May 2025 elections at sports events sa kasagsagan ng kanilang bakasyon.
Hindi naman kasama sa vacation benefits ang mga school heads dahil sila ang responsable sa pamamahala sa paaralan sa kasagsagan ng bakasyon subalit entitled pa rin sila para sa vacation at sick leave credits sa nasabing period.

