4 NA TAONG PANUKALANG TERMINO NG MGA OPISYAL NG BARANGAY AT SANGGUNIANG KABATAAN, LUSOT NA SA SENADO
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magtatakda ng bagong termino ng mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan.
Sa naging botohan, 22 senador ang pumabor sa panukala, walang tumutol at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng Senate Bill 2816 o ang Act Setting the Term of Office of Barangay Officials and Members of Sangguniang Kabataan na ini-sponsoran ni Senator Imee Marcos, ang termino ng panunungkulan ng lahat ng halal na opisyal ng barangay at miyembro ng Sk ay magiging apat na taon. Habang hindi naman papayagan ang isang elective barangay official na magsilbi ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.
Nagpahayag din ng suporta sina Senators Robin Padilla at Ramon “Bong” Revilla Jr., na binigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahabang panahon para epektibong maipatupad ang mga programa at magampanan ang tungkulin ng mga barangay bilang mahahalagang political at community planning units.
Nakasaad din sa panukala na ang susunod na regular na barangay at SK elections ay gaganapin sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at gagawin kada apat na taon matapos nito. Ang mga mahahalal na barangay at SK officials ay sisimulan ang kanilang termino sa unang araw ng Nobyembre matapos silang manalo.
Sakaling maisabatas, lahat ng nanunungkulan na opisyal ng barangay at miyembro ng SK ay mananatili sa puwesto maliban kung mas maagang maalis o masuspinde.

