42 PASYENTE, NAOPERAHAN SA LIBRENG SURGICAL CARAVAN SA BONGABON
Umabot sa 42 patients ang naging benepisyaryo ng isinagawang ‘Surgical Caravan’ ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa Bongabon District Hospital.
Isa sa mga benepisyaryo ay si Nelson De Guzman, 45-years-old, mula Barangay Curva, Bongabon, na halos isang taon at kalahati nang tinitiis ang sakit sa apdo.
Dahil umano sa laki ng gastusin, hindi niya nagawang magpa-opera noon, ngunit dahil sa Surgical Caravan, ay naoperahan siya nang libre, kaya naging emosyonal ang kanyang naging pasasalamat sa Kapitolyo.
Ayon kay Dra. Avesta Zayin Bautista, Chief of Hospital ng Bongabon District Hospital, layunin ng programang ito na matulungan ang mga Novo Ecijano na kailangang maoperahan ngunit walang sapat na kakayahan sa pinansyal.
Sa kabuuan, tatlong pasyente ang sumailalim sa major surgeries kabilang ang dalawang cholecystectomy at isang hemorrhoidectomy.
Samantala, 39 patients naman ang naoperahan sa minor cases tulad ng pagtanggal ng bukol, lymphoma, skin tags, at mga nunal.
Bukod sa libreng operasyon, namahagi rin ng libreng gamot ang PHO para sa lahat ng pasyente na naoperahan.
Dagdag pa ni Dra. Bautista, bukas ang kanilang tanggapan para sa sinumang nangangailangan ng operasyon at hindi dapat alalahanin ang gastos dahil libre ang kanilang serbisyo, alinsunod sa hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na maghatid ng de-kalidad at accessible na serbisyong medikal para sa lahat ng Novo Ecijano.
Ang libreng operasyon ay tuloy-tuloy na isasagawa sa lahat ng district hospitals na nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan.

