48-ANYOS NA NOVO ECIJANO, NAGLALAKBAY SA BUONG PILIPINAS NG NAGLALAKAD PARA MAKAPAGTALA NG GUINNESS WORLD RECORD

Gagawa ng record sa Guinness World Records ang 48-anyos na Novo Ecijanong si Ferdinand Dela Merced na taga Brgy. Pinagpanaan, Talavera, na naglalakbay sa buong kapuluan ng PIlipinas sa pamamagitan ng paglalakad.

Sa panayam ng TV48 sa tinaguriang Philippine Looper na si Ferdinand noong March 27, 2025, ay sinabi nitong pitumpo’t tatlong araw na siyang naglilibot sa buong Pilipinas kung saan tinatarget nito ang 20 hanggang 25 kilometrong paglalakad kada araw.

Pagbabahagi niya, hindi lamang niya binabagtas ang Philippine Loop na tinatayang nasa 5, 000 hanggang 6, 500 kilometers kundi inaakyat din nito ang mga bundok sa bawat lalawigan na dinaraanan nito.

Mag-isang nilalakbay ni Ferdinand ang bawat sulok ng Pilipinas bitbit sa kanyang likuran ang 20 kilos niyang bag na naglalaman ng kanyang mga gamit, habang hawak sa kamay ang isang maliit na bandila ng Pilipinas.

Kwento ni Ferdinand, hilig talaga niya ang pag-akyat ng mga bundok upang tuklasin ang ganda ng kalikasan, kaya naman naisipan nitong libutin ang bansa sa pamamagitan ng paglalakad para sa layuning makagawa ng record.

Sinimulan niya ang kanyang paglalakbay noong January 2, 2025 kung saan sa kasalukuyan ay aabot na sa mahigit 2,000 kilometers ang kanyang nalalakbay at inaasahan niyang aabutin siya ng isang taon para matapos ito.

Bagaman suportado din aniya siya ng ilang mga kababayan na walang sawang tumutulong ay marami din aniya ang bumabatikos sa kanya at hindi naniniwala.

Sa kabila nito ay hinihingi niya ang suporta ng mga kababayan at kapwa Pilipino upang mapagtagumpayan niya ang kanyang layunin.

Aktibo din sa pagbabahagi ng kanyang paglalakbay si Ferdinand na nakapost sa kanyang Facebook account.

Sa bawat destinasyon na nilalakaran ni Ferdinand ay tinutungo nito ang mga Kapitolyo o munisipyo para isulat sa kanyang bag ang pangalan ng lalawigan o bayan na kanya nang nadaanan.

Sinimulan ni Ferdinand ang kanyang zero-kilometer sa Luneta kung saan binaybay na nito ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, Baguio, La Union, ilocos Sur, Ilocos Norte, Cagayan, Batanes, Isabela, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, at Aurora.