BABALA! SENSITIBONG BALITA:

HIGIT PHP 1-MILLION NA HALAGA NG SHABU, NASAMSAM NG MGA AWTORIDAD SA NUEVA ECIJA, ZAMBALES AT PAMPANGA

Arestado ang anim na suspek kabilang ang tatlong tinaguriang high-value drug personalities (HVIPs) sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga awtoridad sa Nueva Ecija, Zambales, and Pampanga noong June 27 and 28, 2025.

Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng higit 1 million pesos na halaga ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 148.5 grams.

Base sa report ng kapulisan, bandang 8:02 ng gabi noong June 27, naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ng San Fernando City Police Station SDEU sa Brgy. Calulut, San Fernando, Pampanga ang tatlong drug suspects na kinilalang sina alias “Chad,” alias “Toytoy,” at alias “Rod.”

Nakumpiska umano sa kanila ang 15 grams ng hinihinalang shabu na may presyong PHP 102,000.00.

Habang 11:45 ng gabi ng araw ding iyon nang isagawa sa Brgy. Calapacuan, Subic, Zambales ang operation kung saan nasamsam ng Subic Police Station Drug Enforcement Unit, PDEA Zambales, Zambales PIU, and PDEU ang 33 grams ng pinagsususpetsahang shabu na nagkakahaga ng 224,400.00 at nahuli si alias “Cadio”, tinukoy bilang leader ng Leocadio Criminal Gang.

1:30 naman ng madaling araw noong June 28, nang dakipin sa Brgy. Kapitan Pepe, Cabanatuan City ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cabanatuan City Police Station sina alias “Dwin,” at “Jer,” kapwa residente ng Santa Rosa, Nueva Ecija na nakuhanan ng 100.5 grams ng ipinagbabawal na gamot na may halagang PHP683,400.00.

Ang anim na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 and 11, Article II of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.