Muling pinaalalahanan ng Department of Energy (DOE) ang publiko na may 5 porsyetong diskwento ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng LPG at iba pang pangunahing bilihin at produktong pang-agrikultura.
Ayon sa DOE, ito ay sa ilalim ng DTI-DA-DOE Joint Administrative Order (JAO) No. 24-02, Series of 2024, kung saan maaaring mag-avail ang mga kwalipikadong senior at PWD ng 5 percent discount sa Basic Necessities and Prime Commodities (BNPC), kabilang ang LPG.
Nilinaw ng DOE na ang nasabing diskwento sa LPG ay para lamang sa pagbili ng LPG na hanggang 11 kilo at maaaring magamit isang beses kada limang buwan.
Dagdag pa ng DOE, simula noong 2024 ay tinaasan ang purchase cap sa BNPC mula P1,300 patungong P2,500 bawat linggo, kaya ang maximum na diskwento na maaaring makuha ay hanggang P125 kada linggo.
Para magamit ang benepisyo, kinakailangang magpakita ng balidong Senior Citizen o PWD ID at ang kaukulang purchase booklet sa oras ng pagbili.
Samantala, kung may ibang bibili bilang kinatawan ng senior o PWD, nilinaw ng DOE na ang authorization letter ay may bisa lamang sa loob ng pitong araw mula nang ito ay ginawa.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng DOE na humihingi sila ng komento ng publiko kaugnay sa panukalang pag-update ng Philippine National Standard para sa mga LPG refilling plants.
Ayon sa DOE, layunin ng proposed update na matiyak na ang mga pamantayan sa mga pasilidad ng LPG refilling ay nananatiling compliant at nakaayon sa national regulations, international codes, at prevailing industry practices.
Para sa karagdagang impormasyon o kung may reklamo laban sa mga establisyimentong hindi sumusunod, maaaring makipag-ugnayan sa DTI Consumer Care o tumawag sa hotline na 1-384.

