Ikinabahala ng Department of Health ang tumataas na bilang ng mga Pilipino na tinatamaan ng human immunodeficiency virus o HIV kung saan karamihan sa mga nagkakasakit ay ang mga kalalakihan.

Sinabi ni DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Tayag, umaabot na sa 50 Pinoy kada araw ang naitatalang HIV cases mula sa dating anim na kaso.

Kwento pa ni Tayag, tinatayang nasa 185, 000 Pinoy ang may HIV at maaaring ilang taon pa ay umabot na ito sa kalahating milyon sa 2030.

Nangangamba ang DOH dahil nasa 40 porsiyento lamang ang mga nagpapasuri sa HIV kaya naman mas pinaigting pa ng ahensiya ang kampanya sa publiko upang huwag matakot at maging regular ang pagpapa-testing.

Pinakaraming kaso ay kabilang sa age group na 25 hanggnag 34 habang tumataas ang bilang sa mga edad 15 – 24 years old. Binabantayan din ng tanggapan ang mga buntis na Overseas Filipino Workers at mga nagtuturok ng ilegal dahil sa kontaminadong karayom na maaaring magamit sa pag-injection.

Sa Central Luzon, ayon sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, ang pinakamataas na HIV cases ay mula sa Bulacan na mayroong 4, 436; pangalawa ang Pampanga na may 3, 643; pangatlo ang Nueva Ecija na umaabot sa 1, 633; Tarlac ay mayroong 1, 142 at Zambales ay nakapagtala ng 1, 053. Ang mga naitalang bilang ay mula noong 1984 hanggang September 2023 base sa listahang inilabas ng RESU.

Ipinaliwanag ng DOH na inaatake ng HIV ang immune system ng isang tao at nagiging sanhi ito ng acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) kapag hindi agad ginamot.

Kaya paalala ng Provincial Health Office sa Nueva Ecija, huwag matakot magpakonsulta at magpatest sa lahat ng mga health centers at district hospital sa lalawigan. Pwede ring pumunta sa limang treatment hub facilities sa Sanctuario de Paulino sa PJGMRMC, Tahanan sa Premiere sa Premiere Medical Center, Talavera’s HOPE sa Talavera General Hospital, Balay Ti Namnama sa Guimba Community Hospital at St. Alloysius Haven of Hope sa Nueva Ecija Medical Center.