Minamadali na umano ng City Government ng Cabanatuan ang mga tindero at tindera sa pagpapasa ng mga kinakailangang dokumento upang makapwesto sa mga bagong palengke ng lungsod,

Ito ay ayon sa mga nagpadala ng kanilang mga reklamo sa Facebook page ng Nueva Ecija TV48.

Base sa ipinamumudmod na pulyetos ng lokal na pamahalaan ng Cabanatuan, ilan sa mga dokumentong hinihingi ay ang application form, photocopy ng isang valid ID, original Barangay Clearance, BANK CERTIFICATION na patunay na ang aplikante ay may nakadeposito sa bangko na hindi bababa sa 50% na halaga ng “goodwill” na kanyang babayaran.

Kasama din dito ang sinumpaang salaysay ng pagtatalaga ng kahalili; salaysay ng pagpapatunay at pagpapatibay; at Market Clearance para sa mga may dati nang pwesto sa palengke na kukunin sa City Treasurer’s Office.

Magkakaroon naman umano ng anunsyo para sa petsa ng pagbubukas ng aplikasyon sa nais na class at section.

Pagjatapos nito ay kailangang dalhin ang kumpletong requirements sa tanggapan ng Market Secretariat na nasa City Hall Gymnasium sa itinakdang araw ng aplikasyon.

Kokontak umano ang Secretariat para sa “notice to pay” ng sole bidder, maging ang dalawa o higit pang aplikante para sa araw ng bidding.

Matatandaan na ang itinakdang presyo ng mga pwesto sa dalawang bagong palengke ng Cabanatuan ay nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyon hanggang mahigit Php54M.