KADIWA NG PANGULO 2023, SUPORTADO, ISUSULONG SA NUEVA ECIJA

Pinukpukan sa 35th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali para sa adoption o pagsuporta sa “Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita (KADIWA) ng Pangulo 2023” Project ng administrasyong Marcos.

Layunin ng proyekto na inilunsad noong July 17, 2023, na palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabilis at direktang daloy ng pagkain mula sa mga magsasaka patungo sa mga mamimili.

Ayon kay Engr. Jovit Agliam, Acting Provincial Agriculturist, sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular No. 2024-003 ay ipatutupad ang naturang proyekto sa buong Pilipinas ng mga lokal na pamahalaan at regional offices ng DILG, DTI at DOLE.

Sinabi din ni Agliam na mayroong apat na uri ng KADIWA sa bansa: Una, ang KADIWA ng Pangulo na ipinatutupad ng mga Local Government Units; Pangalawa, Pop-Up KADIWA na ginaganap sa mga malls; Pangatlo, KADIWA stores o KADIWA sa mga barangay kung saan inaatasan silang magbenta ng Php25 per kilo ng bigas; at Pang-apat, KADIWA Regular kung saan ang Department of Agriculture ay nagpapamahagi ng mga truck na gagamitin sa panluwas ng mga produkto at nagbibigay ng puhunang capital.

Dagdag pa niya, regular na ang pagsasagawa ng KADIWA ng Pangulo sa Nueva Ecija kada buwan sa tulong ng DILG, DTI, DOLE AT PCEDO at patuloy nila itong isusulong sa lalawigan sa mga susunod pang panahon.