52-ANYOS NA PWD SA CABANATUAN CITY, PINAGKALOOBAN NG KABUHAYANG KABUTE

Ipinagpapasalamat ng singkwentay dos-anyos na si Leodivina Soriano, isang PWD mula sa Sitio Boundary, Caalibangbangan, Cabanatuan City ang kanyang natanggap na isang daang fruit bags ng kabute.

Mula ito sa special livelihood program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali.

Kwento nito, nakita lamang daw niya ang post ng Presidente ng kanilang organisasyon na mga PWD na naghahanap ng benepisyaryo ang kapitolyo para sa nasabing programa.

Pagtitinda umano ng sabon kagaya ng dishwashing liquid at sabong pang-laba ang negosyong pinagkukuhanan niya ng pang-araw araw na pang-gastos.

Kaya naman ikinatuwa niya na napabilang siya sa mga nabigyan ng mushroom dahil sa tuwing aani siya nito, bukod sa pwede nilang pagkain ay maaari rin niya itong ibenta na dagdag pagkakakitaan.

Magandang proyekto aniya ito ng pamahalaang panlalawigan dahil tinuturuan sila kung paano maka-survive kahit na mayroong kapansanan.