UOD, GINAGAWANG SNACKS SA BAYAN NG GUIMBA
May pera sa uod, ito ang nasabi ng negosyanteng si Ameer Ordoña mula sa Brgy. Lennec, Guimba, Nueva Ecija nang masubukan niyang magparami at magbenta ng meal worm na iniluluto para gawing chichaworm.
Itinampok si Ameer sa Agripreneur kung saan ibinahagi niya ang proseso ng pag-aalaga sa mga meal worm.
Tinatawag aniya itong drakling beetle kapag adult, na kapag nangitlog ay nagiging larva at nagiging meal worm.
Kinakailangan daw ng close monitoring sa pag-aalaga ng mga ito dahil maaari silang kainin ng langgam, palaka, at mga manok. Pinakakain din niya ang mga ito ng prutas at gulay bilang kanilang source of water.
Mula sa breeder room ay maghihintay lamang aniya ng isa hanggang dalawang linggo para maging pupae ang mga ito at 1-2 weeks uli ang hihintayin para maging bettle na siya, at aabutin naman ng sampong linggo bago maharvest.
Pagkaharvest ay kinakailangan naman itong hugasan ng tatlo hanggang limang beses upang mawala ang amoy ng feeds na ipinapakain dito at tsaka ilulubog sa mainit na mantika para lutuin at palutungin.
May limang flavors ang chichaworm na maaaring pamilian, nariyan ang Garlic, Cheese, Chili Garlic, Sour and Cream, at Barbeque, kung saan pinakamabenta aniya sa mga consumers ang Garlic at Cheese Flavor.
Ang meal worm ay magandang source din aniya ng protina na kailangan ng ating katawan kaya naman plano pang paramihin ni Ameer ang produksyon ng meal worm para mas palaguin ang kanyang negosyo na Ameer Chichaworm.

