6 NA TALAMPAKANG KALABAW, TINAGURIAN BILANG TALLEST LIVING WATER BUFFALO SA MUNDO

Hinango sa pelikulang King Kong kung saan tampok ang higanteng gorilla, ay tinawag ding King Kong ang anim na talampakang kalabaw na nakatira sa Ninlanee Farm sa Nokhan Ratchasima, Thailand na kauna-unahang kinilala ng Guinness World Records bilang pinakamataas na buhay na water buffalo sa buong mundo.

Nang ipanganak si King Kong noong April 1, 2021 ay napansin na umano ng may-ari dito ang espesyal nitong laki kumpara sa iba pa nilang alagang water buffalo.

Mataas siya ng mahigit 50 centimeters o 1.64 feet kumpara sa mga karaniwang water buffalos.

Higante man ito sa edad na tatlo ay maihahalintulad daw ito sa isang masiglang tuta na mahilig maglaro, gustong kinakalabit at tumatakbo kasama ang mga taong nag-aalaga dito.

Mistula daw itong palakaibigang dambuhalang tuta sa naturang farm.

Nagsimula ang farm na ito bilang isang farm ng kabayo, pero ngayon ay nakatutok sila sa pagpapalaki ng water buffalo.

Base sa website ng Guinness World Records, malaki ang kahalagahan sa kultura at kasaysayan ng Thailand ng mga water buffalo, dahil malaki ang naging papel nila sa agrikultura at transportasyon dito sa paglipas ng mga taon.

Karaniwang nagigising si King Kong ng 6:00 am at pinapalabas siya sa bakuran para maglaro sa lawa, pagkatapos ay pinaliliguan siya at tsaka pakakainin.

Kumakain siya ng mga 35 kg ng pagkain araw-araw at gustong-gusto niyang kumain ng dayami at mais, pati na rin magtanghalian ng saging.