60 KAWANI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, SASAILALIM SA CUSTOMER RELATIONS TRAINING

Inaprubahan sa ika-16 na Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at ng Civil Service Commission Regional Office III (CSC RO III) para sa pagsasagawa ng dalawang araw na Customer Relations Management Training (CRMT).

Ang kasunduang ito ay bahagi ng mandato ng CSC RO III na paigtingin ang antas ng serbisyo ng mga kawani ng pamahalaan.

Ayon kay Cherish Carlos, Head Ng Training Division mula sa Provincial Human Resource Management Office (PHRMO), layunin ng pagsasanay na ito na mapaunlad ang kakayahan ng mga empleyado sa pakikitungo sa publiko at iba’t ibang stakeholder.

Nilinaw rin ni Carlos na hindi lahat ng kawani ay sasailalim sa pagsasanay, kundi piling 60 empleyado lamang mula sa iba’t ibang tanggapan at ospital. Ito ay alinsunod sa limitasyon ng training package ng CSC, na may maximum na 40 kalahok kada batch.

Ipinunto naman ni Board Member Belinda na mahalagang malinaw sa lahat na piling empleyado lamang ang kalahok upang hindi maantala ang operasyon ng buong kapitolyo.

Gaganapin ang Customer Relations Management Training sa Mayo 26–27 sa Auditorium ng Old Capitol.

Ang programang ito ay isa sa mga hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan upang patuloy na mapataas ang kalidad ng serbisyong pampubliko sa Nueva Ecija.