60M NA HALAGA NG DRYER, RICE MILL, IPINAGKALOOB NG PHILMECH SA PROVINCIAL GOVERNMENT
Lumagda sa isang kasunduan si Governor Aurelio Umali bilang kinatawan ng Provincial Government ng Nueva Ecija sa pagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) para sa Rice Processing System 2.
Sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay magkakaloob ang PhilMech sa pamahalaang panlalawigan ng Dryer at Rice Mill na nagkakahalaga ng 60 million pesos na ipatatayo sa bayan ng Peñaranda.
Ayon kay Dionisio Alvindia, Director IV ng PHilMech ang Rice Mill ay may kapasidad na 3 tons per hour o 250 bags na may 50 kilos per 8 hours habang nasa 24 tons per hour naman ang capacity ng Dryer.
Bago ang pagpirma sa Memorandum of Agreement ay ibinahagi ni Governor Oyie sa grupo ni Director Alvindia ang pagnanais niyang magkaroon ng modernong storage facility tulad ng silo.
Sinabi ni Director Dionisio na 30 years ago ay may proyekto silang natapos na kahalintulad din ng silo kaya naman nakatakda aniyang bumisita ang Punong Lalawigan sa kanilang tanggapan upang personal na makita ang teknolohiya.
Paliwanag ni Dionisio, ang silo ay sistema ng pag-iimbak ng palay o mais na kahit iimbak ang mga ito sa mahabang panahon ay hindi masisira ang kalidad ng mga ito.
Aniya ang PhilMech ay patuloy na makikipagtulungan upang mapagtagumpayan ang anumang inisyatibo ni Governor Oyie para matulungan ang mga magsasaka sa probinsya.
Dagdag ni Dionisio, kapag naitayo na ang warehouse ay sisimulan kaagad nila ang installation ng mga kagamitan na maaaring umabot ng 3 hanggang 4 na buwan.

