68 ANYOS NA LOLO MULA BONGABON, NUEVA ECIJA, NAGPASIKLAB SA 4X4 OFF ROAD CHALLENGE EXTREME CATEGORY
Nakipagsabayan ang sisentay otso anyos na lolo na si Edmar Santiago mula sa Bongabon, Nueva Ecija sa mga kalahok ng 1st Gov. Tolentino 4×4 Offroad Challenge 2025 sa extreme category bilang bahagi ng selebrasyon ng Pasidayaw 2025.
Isa si lolo Edmar sa nag-viral na video na in-upload ni Rapas tv sa kanyang Facebook page, na umabot na ng 440k views at libu-libong reactions.
Dito matutunghayan ang nakakabilib na performance ni lolo Edmar, mula sa pag-akyat sa matatarik at malambot na daan, pagliko at pag-ikot, hanggang sa nakakamanghang pagdaan at pag-ahon mula sa tubig.
Nang umikot na pabalik, makapigil-hininga ang kanyang pag-ahon nito mula sa maputik at matubig na hukay.
Aakalaing ng marami na hindi siya magtatagumpay, ngunit napapalakpak at napasigaw ang mga manunuod nang magawa niyang makaahon.
Umani din ng mga papuri si lolo Edmar na, sa kabila ng kanyang edad, ay kinaya pa ring makipagsabayan sa mga mas bata sa kanya.
Ayon sa mga komento mula sa mga nakakakilala sa kanya, hindi lamang siya mahusay sa off-road challenges, kundi champion din a motocross at dalawampong taon nang nangangarera.

