83 PROBINSIYA SA BANSA, MAYROON NANG BAGONG PILIPINAS MOBILE CLINIC
Mayroon nang Bagong Pilipinas Mobile Clinic ang walumpu’t tatlong (83) probinsiya sa bansa na ipinamahagi ng Pamahalaang Nasyunal sa pangunguna nina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at FirstLady Liza Araneta-Marcos.
Sa Luzon, 39 na lalawigan ang nakatanggap ng mobile clinics, habang 16 probinsiya sa Visayas at 28 naman sa Mindanao.
Ang mga bagong mobile clinic ay bilang pagtupad sa pangako ng pangulo na palakasin ang sektor pangkalusugan sa buong bansa lalo na sa mga lugar na mahirap marating ng serbisyo ng gobyerno.
Ang bawat sasakyan ay nilagyan ng modernong kagamitan tulad ng digital x-ray machine at ultrasound machine, hematology analyzers, binocular microscope, clinical centrifuge, ophthalmoscope, reagent refrigerator, at iba pa.
Sinabi ng Pangulo ito rin ang unang pagkakataon na magkaroon ng medical record ang ating mga kababayan na siyang magiging basehan para mapigilan o magamot na ang anumang sakit gaya ng diabetes, tuberculosis, sakit sa bato at iba pa.
Galing sa pondo ng DOH ang ginamit para pambili ng mga nasabing mobile clinics na nagkakahalga ng P9.9 million kasama na ang mga kagamitan sa loob.
Nanawagan din ang president sa mga LGUs na aktibong gampanan ang kanilang mandato sa usaping pangkalusugan dahil sila ang magiging tulay para maging matagumpay ang mga programa ng pamahalaan.

