85 PORSYENTO NG KAPULISAN, MAGBABANTAY SA MGA KALSADA 24 ORAS PARA SA SEGURIDAD NG NUEVA ECIJA

Ipatutupad ng bagong talagang Provincial Director ng Nueva Ecija Provincial Police Office na si PCOL. Ferdinand D. Germino, na tubong Sta. Rosa, Nueva Ecija, ang 24/7 police visibility sa lalawigan, kung saan walumpo’t limang porsyento ng kapulisan ang magbabantay sa mga kalsada para sa seguridad habang labing limang posyento naman ang nasa opisina.

Ito ang kanyang inihayag sa kanyang talumpati sa kanyang pagdalo sa 35th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Kaugnay nito ay kasado na rin ang pagsasagawa ng kapulisan ng mga operasyon sa pagsugpo sa kriminalidad sa probinsya, ipinatutupad din ang search warrant para mabawasan ang mga loose firearms at masigurong mapanagot ang mga kriminal kung saan target ang mga pribadong armadong grupo, potential arm groups at mga nagpaplanong gumawa ng gulo para sa darating na eleksyon.

Tuloy-tuloy din aniya ang kanilang mas pinaigting na operasyon laban sa krimen at lalo na laban sa iligal na droga kung saan wala aniya silang sasantuhin.

Ipapatupad din ang mga bagong estratehiya tulad ng Oplan Project Eagle Eye kung saan lahat ay magiging kasangkot gaya ng mga security guard, tsuper ng traysikel, delivery boys, jeepney drivers, at iba pa, alinsunod sa mantra ni PCOL Germino na “ang pag-iwas sa krimen ay responsibilidad ng lahat,” na magtataguyod ng isang “ligtas, maayos, at maunlad na pamayanan.”

Bilang bahagi ng pagtitiyak sa kredibilidad, kakayahan, at integridad ng pwersa ng kapulisan ng Nueva Ecija, magsasagawa ng internal cleansing upang mapuksa ang mga “Police Scalawags,” kabilang ang pagsasagawa ng random na anti-illegal drug testing sa mga tauhan ng NEPPO.

Tiniyak din nito na ang moral at kapakanan ng kanyang mga tauhan ay unang isasaalang-alang sa pamamagitan ng sistema ng parangal at gantimpala.

Ipinahayag naman nina Vice Governor Emmanuel Antonio Umali at Board Member Eric Salazar ang kanilang kagalakan na sa pambihirang pagkakataon ay isang tubong Novo Ecijano ang bagong mamumuno sa kapulisan ng lalawigan at inihayag ang kanilang suporta sa magagandang adhikain ng kapulisan para sa probinsya.