911 HOTLINE BUKAS NA PARA SA MGA BIKTIMA NG BULLYING SA ESKWELA — PNP CHIEF

Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na handa na silang tumugon sa mga insidente ng bullying ngayong pagbubukas ng klase. Sinabi ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, bukas na ang 911 hotline para sa mga biktima ng pambubully sa mga paaralan.A

Paliwanag ni Torre, hindi na kailangan pang pumunta sa presinto ang mga biktima o magulang. Kapag tumawag sa 911, agad itong sasagutin ng mga naka-duty na pulis at ipapasa sa pinakamalapit na local police station.

Tinitiyak ng PNP na makararating ang kanilang team sa loob ng limang minuto para rumesponde. Ang mga pulis naman sa local station ang makikipag-ugnayan sa school heads upang mapigilan ang pangyayari bago pa humantong sa karahasan.

Dagdag pa ni Torre, nakipag-ugnayan na ang PNP sa mga pinuno ng mahigit 45,000 pampubliko at pribadong paaralan sa bansa para tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral. Binabantayan din nila ang mga lansangan upang maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga kriminal na maaaring manamantala.

Nanawagan ang PNP chief sa mga magulang na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang masugpo ang anumang uri ng karahasan o pambubully laban sa kanilang mga anak.

Batay sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA), kinilala ang Pilipinas bilang “bullying capital of the world” dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng pambubully sa mga paaralan. Kaugnay nito, hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct o GMRC sa lahat ng baitang. Agad naman itong inaksyunan ng ahensya bilang tugon sa lumalalang sitwasyon.