Magsasagawa ng concurrent sessions sa darating na February 2, 2017 ang Cabanatuan Catholic Educational System na nakailalim sa diocese ng Cabanatuan, kung saan isa sa mga isyung tatalakayin ang pamimigay ng libreng condom ng Department of Health sa mga public and private schools.

   Tinatayang nasa isanlibong student leaders mula sa labing siyam na eskwelahan ang nakatakdang magkaisa upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin para harapin ang problema ng mga kabataan tungkol sa pre-marital sex, at distribusyon ng contraceptive na condom.

   Ayon kay Monsignor Michael Veneracion, President ng College of the Immaculate Conception, isa lamang ang simbahang katoliko na may malakas na boses na tumututol sa pamamahagi nito sa mga estudyante.

 Si Msgr. Michael Veneracion, President of the College of the Immaculate Conception sa panayam ng Balitang Unang Sigaw.

Si Msgr. Michael Veneracion, President of the College of the Immaculate Conception sa panayam ng Balitang Unang Sigaw.

   Dapat aniyang magtulungan ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagtataguyod ng values at moralidad ng pamilyang Filipino base sa kalooban ng Diyos.

   Naniniwala rin si Monsignor Veneracion na napipilitan lang ang ibang nasa ilalim ng Department of Education sa pagpapatupad ng naturang programa dahil salungat ito sa mga tamang itinuturo ng mga magulang at guro.

   Bagaman regulated ng DepEd ang mga pribadong paaralan tulad ng CIC, tinitiyak ng pamunuan nito na hindi sila papayag na magbigay ng libreng condom doon.

   Kabilang din sa mga usaping pagdidiskusyunan sa pagpupulong ng mga lider mag-aaral ang tungkol sa extra-judicial killings, at environmental concerns.- ulat ni Clariza de Guzman