Inilunsad ng Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija na nakailalim sa Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office ang “Malasakit mula sa Puso”.
Sa ginanap na first quarterly meeting ngayong taon ng TALA, ibinukas ni PCEDO OIC Elvira Ronquillo ang boluntaryong pakikilahok sa damayan ng mga kababaihan sa pamamgitan ng boluntaryong pagbabayad ng membership fee na nagkakahalaga ng Php200.00.
Paliwanag nito, tanging mga asawa lamang ang kikilalaning benepisyaryo kung sakaling pumanaw ang miyembro. Kung wala naman, ay ang anak ang magkakaroon ng karapatang mapagkalooban ng koleksyon na Php50.00 kada kasapi.

Mayorya ng mga lider ng TALA ay bumoto sa Php50.00 na kontribusyon para sa damayan sa miyembrong may malubhang sakit.
Mungkahi ni Konsehala Rosie Miguel, lider ng Samahan ng Kababaihan sa bayan ng Gabaldon ay magkaroon din sana ng kaukulang damayan tuwing may magkakasakit na kababaihan na miyembro ng “Malasakit Mula sa Puso”.
Sinegundahan naman ito ng mayorya ng mga lider ng kababaihan mula sa munisipalidad at barangay sa lalawigan. Nagkaroon ng botohan kung saan napagkasunduan ang halagang singkwenta pesos na kontribusyon bilang tulong ng bawat isa sa kasaping magkakaroon ng malubhang karamdaman at maco-confine sa ospital.
Sinimulan umano ang damayan ng mga kababaihan sa Bongabon na naging matagumpay kaya dito ihahalintulad ang iskemang napagkaisahan sa “Malasakit Mula sa Puso”.- ulat Clariza de Guzman